Panaginip ng Dukhang Nasasakdal
"nasa'n ka nu'ng pinatay si policarpio? sagot!"
nakakatakut naman 'to. ganito ba'ng mga abugado? di na tuloy ako magtataka kung kinasusuklaman sila ng mga tao.
mga abugado! diyosko. heto't ginugulat ako ng isa sa kanilang kapatid. pilit pinipiga sa akin ang isang pag-aming wala namang kinalaman sa'kin. "nasa bahay po ako ni onyong nu'ng gabing 'yun, your highness." automatic na'ng sagot ko. ayoko nang makahulan pa ng asong ito.
abugado? abugago? asogado? asonggago? naku, paumanhin sa mga aso. wala silang ginawang mali upang ihambing ko sila dito sa hayup sa harap ko.
"nasa bahay ka ni onyong, 'ka mo? eh, way das it isteyt inda apidavit op yor pillow akyus dat yu wer wid jeprox wen yu kild policarpio?"
ano daw?
"objection, misleading."
aba, nag-object ang abugado ko! may silbi din pala'ng mokong na'to! si atty mokong- oo, Mokong talaga'ng apelyido niya- ay ang aking walang kuwentang PAO lawyer. ewan ko ba kung bakit pa'to binabayaran ng estado para tumulong sa mga inaapi. eh, mas lalo yata kaming naaapi, lalo ang mga dukhang tulad namin. tignan mo nga naman si mokong, nung i_assign sa'kin, ang unang sambit ba naman ay, "aminin mo na kasi na ikaw ang pumatay, para di na tayo mahirapan."
kung hindi lang ako hilo sa bugbog ng mga parak nu'n, eh binatukan ko na siya.
'tsaka, nangungulit pa ng delihensiya sa'kin si mokong! kasalanan ko ba kung pinanganak akong mahirap at hot monay na may keso lang ang maiaabot ko sa kanya. (dati, dinalhan ko siya ng 'sang lapad ng tanduay kaso, may prublema na daw sa atay niya. atay tayo diyan.)
"sustained. will the prosecutor please change the question." lumingon si judge sa clerk of court, "strike the question off the records."
salamat, judge. napangiti ako ng bigla. pag-asa ba'ng natatanaw ko? bumubuka yata'ng langit.
itong si judge, mukhang matalino. baka taga_UP. matitindi ang mga inggles niya. malupit. bilib ako. pero, sayang ang talino niya kung hahatulan ng mali ang isang inosenteng nasasakdal. sana mapansin niyang lokohan lang ang lahat ng ito. at sana, matalino man siya, sana hindi mas matalino ang bulsa niya keysa sa utak niya.
kinindatan ako ni atty mokong. ngunimiti. ayos ka, tsong. na_sustain nga'ng objection mo- aba, tiyakin mo na makakalaya ako.
"mr santos?' tinawag ako ni judge.
tatayo ba ako?
tutungo?
luluhod?
pa'no ba'ko sasagot? inggles? Filipino?
tumayo ako, "Yesser...?"
"gumising ka na."
ano daw?
"wake yourself up." malutong na inggles. malupit. "panaginip ito lahat, gumising ka!"
humalakhak si judge. pati si mokong, humahalakhak. lumalakas. mabibingi ako. tinakpan ko'ng mga tenga ko. nahuhulog ako. pumapaimbulog sa lupa. madilim. dumidilim.
minulat ko'ng aking mga mata. balot ako sa malamig na pawis. wala na ako sa sala ni judge. panaginip lang pala. nandito na ako- sa selda ko- bibitayin bukas.
Diyosko, alagaan mo'ng pamilya ko.
2 Comments:
What an excellent satire. That was good.
jute! hey, thanks. wow.
wrote this three years ago, during a Labor 1 (labor standards) class.
hey, salamat. =)
Post a Comment
<< Home